Grupo ng PETC, iaakyat na sa Malacañang ang kanilang problema sa DOTr

Idudulog na sa Malacañang ng grupo ng Private Emission Testing Centers (PETC) sa buong bansa ang kanilang problema kaugnay sa hindi pa rin pagre-renew ng Department of Transportation o DOTr sa kanilang Authorization to Operate.

Ayon kay Jun Evangelista, National President ng Alagaan Natin Inang Kalikasan, Inc., hihilingin na nila kay Pangulong Rodrigo Duterte na makialam na sa kanilang kalagayan sa DOTr.

Aniya, mahigit sa isang taon nang natigil ang operasyon ng nasa 160 PETC na may humigit kumulang 5,000 empleyado ang naapektuhan at nawalan ng trabaho sa panahon ng umiiral na pandemic.


Sinabi pa ng grupo na tanging ang PETC ang pinagkukunan ng kanilang kabuhayan subalit dahil sa nananatiling nakabinbin sa DOTr ang renewal ng kanilang AO kaya’t hanggang ngayon ay sarado at tigil ang kanilang operation.

Wala umanong malinaw na maibigay na paliwanag ang DOTr kung bakit hindi pa rin sila mai-renew maliban sa sinasabing lumabis na ang kanilang bilang gayong may inaprubahang grupo ang nasabing ahensiya.

Nagtungo sa tanggapan ng DOTr ang grupong Ani-Kalikasan para pormal na ipa-receive kay DOTr Sec. Artur Tugade ang kanilang liham subalit nabigo ang grupo na makapasok matapos harangin ng mga bantay na security guard.

Facebook Comments