Manila, Philippines – Gustong madaliin ng grupong Duterte Youth ang muling pagbuhay sa Reserve Officers Training Corps (ROTC).
Ayon kay Duterte Youth Chairman Ronald Cardema, kinakailangang maipasa na ng kongreso ang batas na magbabalik sa ROTC sa pagbabalik ng session sa Mayo.
Dagdag pa nito, kailangang maihanda na ang kabataan sa militar para tumugon sa mga lindol, kalamidad at sa giyera.
Katulad na lamang aniya ng 7.2 magnitude na lindol na tumama sa Davao kahapon at ang ilan pang kabi-kabilang pagyanig na naramdaman sa iba’t ibang panig ng bansa sa mga nakalipas na buwan.
Aniya, ang pagiging produktibo at ang nasyonalismo ng mga bansa gaya ng Singapore at South Korea ay bunsod ng military training sa mga mamamayan.
Matatandaang ilang ulit na ring ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang balak na ibalik ang ROTC sa bansa.