Inihalintulad ng grupong Federation of Free Workers (FFW) ang Anti-Terrorism Bill sa kwento nina Adan at Eba.
Mapang-akit umano ang Anti-Terrorism Bill, tulad ni Eba na kumagat agad sa mansanas sa pang-aakit ng ahas.
Sa akala naman ni Adan na makakabuti ito, kaya’t naakit din siyang kumagat sa mansanas at dahil dito naging masaya ang ahas.
Ayon kay FFW President Atty. Sonny Matula, ganyan ang nangyari sa Senado at Kamara na kumagat agad ang lahat sa pang-aakit ng demonyo, maliban sa dalawang senador na nakapag-isip na masama ito sa mga Pilipino.
Nanawagan ang grupong FFW kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto o ibalik nito sa Kongreso ang Anti-Terrorism Bill para repasuhin dahil sa maraming depektibong probisyon na sumasalungat sa Saligang Batas.
Inihalimbawa nito ang Section 4 hanggang Section 12 na marami at napakalawak ang mga gawain na maaaring sabihing acts of terrorism tulad ng pagbibigay ng opinyon o paghawak sa mga bagay, dokumento o banner ng mga terorista na maaari magresulta ng pagkakahuli ng isang tao.
Ang batas ay nasa tanggapan na ngayon ng pangulo.