Isinauli ng People’s Initiative for Reform, Modernization and Action (PIRMA) sa kanilang donors ang perang donasyon sa inilabas na TV ad na EDSA Pwera na aabot sa P55 million.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, bigo si PIRMA lead convenor Noel Oñate na isumite sa komite ang listahan ng donors at iba pang hinihinging dokumento para sa naturang advertisement para sa pagsusulong ng People’s Initiative.
Paliwanag dito ni Atty. Alex Avisado, legal counsel ni Oñate, tumanggi ang donors na isapubliko ang kanilang mga pangalan kaya napilitan ang kanyang kliyente na isauli ang kalahati sa P55 million na kontribusyon ng mga ito para sa tv ad.
Ayon kay Oñate, aabot sa P28 million ang kanyang isinauli sa mga kaibigang donors mula sa kanyang tatlong bank account.
Sa isinumiteng kopya ng withdrawal sa bank accounts ni Oñate lumalabas na P9 million ay mula sa BPI, P9 million sa BDO at P10 million mula sa Union Bank.
Paliwanag ni Oñate, napilitan na siyang isauli ang perang donasyon ng kanyang mga kaibigan dahil nababahala na ang mga ito sa kanilang privacy at security ng kanilang mga pamilya.