Manila, Philippines – Hindi masabi ngayon ng Armed Forces of the Philippines kung kakayanin bang matapos ang giyera sa Marawi City bago ang ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 24 ng Hulyo.
Sa Mindanao Hour sa Malacanang ay sinabi ni AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla na sinisikap nila na matapos na ang gulo sa Marawi City sa lalong madaling panahon dahil naiinip na ang mga apektadong residente at nahihirapan na ang mga ito dahil sa nangyayaring gulo.
Pero nilinaw naman nito na hindi dapat minamadali ang clearing operations na ginagawa ng mga sundalo sa lungsod dahil kailangan ding isaalang-alang ang seguridad ng mga sundalo lalo pa at nagkalat ang mga pampasabog na ginawa ng maute group sa lungsod.
Sa ngayon aniya, batay sa impormasyon mula sa local na pamahalaan ay aabot pa sa 500-600 ang mga sibilyang naiipit sa bakbakan sa lungsod at prayoridad ng pamahalaan na mailigtas ang mga ito.
Gulo sa Marawi City, kailangang matapos na pero hindi dapat minamadali ayon sa AFP
Facebook Comments