
Naniniwala si Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña, na kung walang political dynasties ay hindi sana nangyari ang Senate “Primetime Bida” na tinampukan ng mga pamilyang nagkakampihan para sa posisyon bilang mga lead characters.
Tahasan itong sinabi ni Cendaña sa kanyang naging interpelasyon sa plenaryo ng Kamara para sa Anti-Political Dynasty Bill.
Ayon kay Cendaña, napilitan ang buong bansa na manood ng teleserye at live action sa Senado sa halip na tinalakay na lang sana ng mga senador ang mahahalagang panukalang batas na mas kailangan ngayon ng mga Pilipino.
Diin ni Cendaña, humihina ang isang democratic institution, kagaya ng Senado, kung nakabase ang rigodon ng kapangyarihan sa iilang apelyido lamang at hindi sa prinsipyo, integridad, at kapakanan ng taumbayan.
Ang Anti-Political Dynasty Bill ay nakalusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara at tiwala si House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman Rep. Zia Alonto Adiong na matutuloy itong aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa.










