Habambuhay na Pagkabilanggo para sa DILG Officer na Pumatay sa Kapwa Niya DILG Officer sa Naga City

Habang buhay na pagkakabilanggo o *reclusion perpetua* ang naging sentensiya ng korte sa dating DILG Officer ng Naga City na si Dennis Erich Medina. Siya ang itinuturong suspect sa pagpatay at pagnakaw ng pera ng kapwa niya DILG Officer sa bayan ng Bombon na si Ayres Osorman Napire.

Ang promulgasyon ay isinagawa kahapon ng hapon sa sala ni Judge Valentin Pura ng Regional Trial Court Branch 24. Naroon sa korte ang pamilya ni Napire na nakatutok sa buong proseso ng kaso habang binabasa ang desisyon ng korte.

Matatandaan na ang krimen ay naganap kabuwanan ng Marso taong 2013 kung saan kapwa opisyal ng DILG ang involved at magkalapit pa na magkaibigan.


Nadiskubreng wala ng buhay ang biktima at itinago ng suspect sa likuran ng kanyang sasakyan ang bangkay habang ilang araw din niya itong gamit-gamit papasok sa opisina. Pero nang mangamoy na ang bangkay sa likuran ng nasabing kotse, dinala at ipinark ng suspect ang kanyang sasakyan sa bakanteng lote sa likuran ng Villa Caceres Hotel, saka niya ito inabandona.

Pinatay ni Medina si Napiri sa pamamagitan ng pagsakal habang nakasakay ang dalawa sa sariling sasakyan ng suspect. Huling nakitang buhay ang biktima habang siya ay papaalis ng DILG office at sumakay sa kotse ng suspect papuntang Naga City. Nag-withdraw pa ng pera ang suspect sa Land Bank ATM sa Naga City Hall kung saan gamit niya ang ATM Card ni Napire habang nakagapos sa kotse nito ang biktima.
Naresulba ang krimen sa pamamagitan mismo ng sariling pag-amin ng suspect sa imbestigasyong isinagawa ng pulisya sa buong pangyayari.
Si Medina ay lulong sa sugal particular na sa on-line games.
Si Medina ay nakatakdang dalhin sa Munitinlupa para doon pagdusahan ang kanyang sentensiyang reclusion perpetua.

Kasama mo sa balita, RadyoMaN Grace Inocentes, Tatak RMN!

Facebook Comments