Cauayan City, Isabela- Aabot sa P530 milyon ang inisyal na halaga ng iniwang pinsala ng Bagyong Ulysses sa lungsod ng Cauayan.
Sa kanyang public address, inihayag ni Mayor Bernard Dy na umabot sa P500 milyon ang inisyal na halaga ng pinsala sa imprastraktura; P22 milyon naman sa mga pananim na mais at palay at P2.3 milyon sa livestock.
Dagdag pa ng opisyal, nasa kalahating milyon (P500,000) naman ang pinsala sa agri-infrastracture habang P3.3 milyon naman ang naitalang halaga ng pinsala sa mga pasilidad ng paaralan.
Samantala, nasa 8,588 pamilya o katumbas ng 34,053 indibidwal mula sa 34 barangays ang apektado ng malawakang pagbaha sa siyudad batay sa inilabas na datos ng City Social Welfare and Development (CSWD) partikular na naapektuhan ang East at West Tabacal region gayundin ang forest region.
Inihayag pa ng alkalde na nasa mahigit P300,000 ang halaga na natanggap mula sa mga donasyon habang dagsa naman ang paghahatid ng tulong ng mga lokal na pamahalaan mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Kaugnay nito, nasa 30,396 relief packs ang naipamahagi na ng Food Bank habang mahigit 40,000 food at hot meals ang naipagkaloob ng iba’t ibang sektor.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang opisyal sa mga nagbigay ng tulong sa pamilyang naapektuhan ng kalamidad maging sa mga grupo na nagsasagawa ng donation drive.