Halaga ng Pinsala ng Nasunog na Bahay sa Lungsod ng Cauayan, Aabot sa Kalahating Milyon

Cauayan City, Isabela- Aabot sa kalahating milyon ang pinsala ng sunog sa isang konkretong bahay sa Purok 7 Brgy. Buena Suerte, Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Kapitan Dennis Dela Cruz, tupok ng apoy ang bahay na pagmamay-ari nina Esperanza at Elsie Dapat nang masunog bandang 1:30 ng hapon kahapon.

Bagamat mayroong naisalbang ibang gamit ang mga biktima ay nilamon pa rin ng apoy ang karamihang mahahalagang gamit kung saan tinatayang aabot sa mahigit kalahating milyon ang halaga ng pinsala.


Wala namang naitalang nasugatan o casualty sa nangyaring sunog.

Ayon pa sa Kapitan, hindi umano napansin ng mga may-ari ng bahay na nasusunog na ang kanilang bahay dahil nasa labas umano ang mga ito at narinig lamang ang sigaw ng kanilang kapit bahay na mayroong sunog.

Mabilis din aniyang kumalat ang apoy dahil na rin sa dami ng gamit sa loob ng bahay.

Kaugnay nito, batay sa inisyal na impormasyong nakalap ng 98.5 iFM Cauayan, faulty wiring ang nakikitang dahilan ng nangyaring sunog.

Facebook Comments