Pumalo na sa 12.79 trillion pesos ang utang ng Pilipinas.
Batay sa datos ng Bureau of Treasury (BTr), tumaas ito ng 2.4% o katumbas ng halos 300 bilyong piso kumpara sa halos 12.5 trillion pesos na utang ng bansa noong Mayo.
Mas mataas naman ito ng 14.6% kung pagbabatayan ang June 2021 national debt na 11.166 trillion pesos.
Lumalabas din na 68.5% ng utang ng bansa ay locally sourced habang 31.5% ang externally sourced.
Ayon sa BTr, umakyat din sa 63.5% ang debt-to-gross domestic product (GDP) ratio o ang ratio ng utang ng bansa sa halaga ng serbisyo at produktong nalilikha nito na siyang pinakamataas sa nakalipas na 17 taon.
Siniguro naman ni Finance Secretary Benjamin Diokno na hindi na mararanasan ang ganitong kalaking utang ng bansa.
Mababatid na ipinangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na pababain sa mas mababa sa 60% ang debt-to-GDP ratio ng bansa sa 2025.
Matatandaang nangutang ang nakaraang Duterte administration upang gamitin ito sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.