Plano ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila na magtayo ng halfway house sa mga susunod na taon.
Ayon kay Manila City Vice Mayor Yul Servo-Nieto sa pagdalo nito sa Balitaan sa Tinapayan, dalawang halfway house project ang kanilang pinaplano para sa mga street dweller na itatayo sa may bahagi ng District 5.
Aniya, ang nasabing proyekto ay para magkaroon ng pansamantalang matutuluyan ang mga street dweller tuwing gabi kung saan pagsapit naman ng umaga ay isa-isa silang palalabasin.
Sinabi ni Vice Mayor Servo, na bukas ang naturang proyekto sa mga street dweller na makikitang pagala-gala sa mga katabing lungsod.
Bukod dito, magkakaroon rin ng libreng pagkain, inumin at mahihigaan ang mga street dweller kung sila ay magtutungo sa mga halfway project.
Sa kasalukuyan, pinag-aaralan na ng konseho ng Manila LGU ang mga proseso sa naturang proyekto.