Wednesday, November 11, 2026

Halo-halong abo ng mga yumao sa isang crematory facility sa Parañaque, handang imbestigahan ng NBI

Handa ang National Bureau of Investigation (NBI) na magkasa ng imbestigasyon ukol sa alegasyon ng sunod-sunod at sabay-sabay na pag-cremate ng mga bangkay sa isang pasilidad sa Parañaque City.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, bagama’t maaari silang magsimula ng sariling pagsisiyasat kailangan pa rin nila ng mas malinaw na pormal na reklamo mula sa mga complainant upang magkaroon ng matibay na batayan ang kaso.

Nagmula ang kontrobersya sa ibinunyag ng dalawang dating empleyado ng naturang crematorium kung saan inatasan umano silang magpasok ng higit sa isang bangkay nang sabay-sabay sa iisang cremation machine.

Dahil sa naturang sistema, malaki ang posibilidad na hindi ang tunay na abo ng kanilang pumanaw na kamag-anak ang natatanggap ng mga pamilya kundi ang naipong abo ng ibang mga yumao.

Ibinunyag din ng mga dating empleyado na patuloy na pinaiiral ang operasyon ng pasilidad kahit sira ang mga makina nang hindi nalalaman ng mga naulilang pamilya.

Kasalukuyan na rin itong inilapit sa pamahalaang lokal ng Parañaque City upang sampahan ang operator ng nasabing crematorium ng kaukulang legal na reklamo.

Facebook Comments