Umabot sa 2,727 indibidwal ang nailigtas ng mga sundalo sa kasagsagan ng malakas na pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office Chief Captain Jonathan Zata, ang halos 3000 nailigtas na indibidwal ay sa National Capital Region (NCR), lalawigan ng Rizal at Bicol Region.
Nakarekober din ang mga sundalo ng walong patay sa Bicol Region, Region 4A at Zambales habang siyam ang naitala nilang nawawala.
Samantala, inanunsyo naman ni AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay na inilunsad ng AFP ang Tulong Bayanihan na ang layunin ay para sa tuloy-tuloy na relief missions sa mga pamilyang naapektuhan ng Super Typhoon Rolly at Bagyong Ulysses.
Ayon kay Gapay, sa pamamagitan ng Tulong Bayanihan Program ng AFP, gagamitin nilang drop points para sa mga indibidwal, grupo o organisasyon ang mga kampo ng militar para pagdalhan ng mga donasyong food at non-food items.