Halos 4,000 na JOs at COS employees ng TESDA sa buong bansa, saklaw na ng SSS

Pumirma na sa isang kasunduan ang Social Security System (SSS) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang mabigyan ng social protection ang mga empleyado ng TESDA na nasa ilalim ng job order (JO) at contract of service (COS).

Nabatid na mahigit 3,800 JO at COS workers ng TESDA mula sa mga tanggapan nito sa iba’t ibang rehiyon ang makikinabang sa nasabing programa.

Ang Kasssangga Collect Program ay isang programa ng SSS na naglalayong bigyan ng seguridad panlipunan ang mga manggagawa sa gobyerno na nasa ilalim ng JO at COS.

Sa pamamagitan ng programa, ang mga manggagawa ay magkakaroon ng access sa iba’t ibang benepisyo at programa ng pautang ng ahensya.

Sa ilalim ng kasunduan, ang SSS ay maglalabas ng agency reference number sa TESDA na magagamit sa pag-upload ng listahan ng mga kontribusyon.

Samantala, ang mga TESDA employees naman na regular ay maaari ding sumali sa programa bilang boluntaryong miyembro upang ipagpatuloy ang kanilang mga kontribusyon sa SSS.

Ang kasunduan ay pinirmahan sa pagitan nina SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph Montes De Claro at TESDA Director General Secretary Jose Francisco “Kiko” Benitez.

Facebook Comments