Aabot sa 600 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos ang insidente ng sunog sa Happyland, Tondo, Maynila.
Hindi bababa sa 200 bahay ang natupok ng sunog na nagsimula ng alas-10:30 kagabi sa isang dalawang palapag na temporary housing building sa Aroma Street, at mabilis na kumalat sa mga katabing bahay.
Sa loob lang ng isang oras ay inakyat sa ikalimang alarma ang sunog bago naideklarang under control bandang alas-12:44 ng hatinggabi.
Nagkagulo naman sa gitna ng pag-responde ng mga bumbero at volunteer, matapos hampasin ng isang residenteng humihingi ng tulong ang truck ng isa sa mga fire rescue volunteer unit.
Ayon sa BFP Manila, alas-5:26 nang ideklarang fire-out ang insidente kung saan pahirapan ang pag-apula dahil sa mga light materials ang ibang bahay.
Wala namang naitalang casualty o namatay pero may dalawang bumbero ang sugatan habang tumutulong sa pag-apula sa sunog.
Tinatayang aabot sa mahigit ₱6 milyong ang halaga ng pinsala ng sunog, at patuloy pang iniimbestigahan ang pinagmulan nito.