HALOS 600K HALAGA NG SHABU, NASAMSAM SA ISANG DRUG DEN SA URDANETA CITY

Tuluyang winasak ng mga awtoridad ang tinatawag na “reign of druggists” sa Urdaneta City noong Lunes, March 9, 2026 matapos salakayin ang isang well-guarded drug den sa Caviganan, Aruego Street, Zone 5, Brgy. Poblacion.

Nagtulungan sa operasyon ang siyam na elite units mula sa PDEA at PNP, kabilang ang Urdaneta City Police Station, Pangasinan Provincial Drug Enforcement Unit (PPDEU), Regional Drug Enforcement Unit 1 (RPDEU 1), Regional Intelligence Division 1 (RID 1), Seaport Interdiction Unit, PPO SWAT-Rosales, at 104th Maneuver Company ng RMFB 1.

Sinalakay ng mga awtoridad ang compound sa kabila ng mahigpit na pagbabantay. Sa matagumpay na raid, 18 na indibidwal mula sa Urdaneta City ang naaresto, lahat ay nakatali sa operasyon ng bentahan at paggamit ng ipinagbabawal na droga.

Nasamsam sa loob ng den ang 46 na plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu, humigit-kumulang 88.13 gramo, na may kabuuang halaga na ₱599,284, kasama ang iba’t ibang drug paraphernalia at mga cellphone na ginagamit sa transaksyon.

Ang lahat ng 18 na suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at haharap sa iba’t ibang kaso batay sa Republic Act 9165. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments