Halos dalawang libong pulis, at force multiplier, ipakakalat kasabay ng rally ng mga militanteng grupo sa Labor Day bukas

Tatapatan ng Quezon City Police Department (QCPD) ng sapat na bilang ng pulisya at iba pang local law enforcement agencies ang rally na ikinasa bukas kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day.

Ayon kay QCPD Director Brig. Gen. Antonio Yarra, hindi papayag ang pulisya na malabag ang umiiral na health protocol lalo na at mataas pa rin ang kaso ng hawaan ng COVID-19 sa Quezon City.

Bukod sa 1,758 police personnel, may mahigit 400 na pwersa rin mula sa QC-DPOS at Task Force for Transport and Traffic Management ang ipapakalat.


Ani Gen. Yarra, mahigpit na ipatutupad ang social distancing, pagsusuot ng face mask at face shield sa lugar kung saan magra-rally ang mga militante maging sa mga venue kung saan mayroong community pantries, pay-out ng Social Amelioration Program at maging sa mga vaccination sites.

May mga ambulansya rin na itatalaga sa nabanggit na mga lugar.

Nanawagan naman si Mayor Joy Belmonte sa mga residente na manatili na lang sa kani-kanilang mga bahay kung wala namang mahalagang pupuntahan dahil nasa ilalim pa rin ng Modified Enhanced Community Quarantine ang National Capital Region kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang mass gathering.

Facebook Comments