Thursday, April 9, 2026

Halos kalahati ng mga maliliit na mangingisda sa mga lalawigan, tumigil sa pagpalaot

Tumigil umano sa pagpalaot ang nasa halos kalahati ng mga maliliit na mangingisda sa ilang lalawigan ng Luzon dahil sa panibago nanamang big-time oil price hike na nakaapekto sa kanilang kabuhayan.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture and Food, sinabi ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Executive Director Jayson Cainglet na una pa lang ay nasa 30% ng mga mangingisda ang huminto sa pagpalaot sa mga karagatan ng Cavite, Bataan, Zambales, at Pangasinan bunsod ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Ngayon aniya na muling sumirit ang presyo ng langis ay umakyat na sila sa halos 50%.

Paliwanag dito, hindi na kakayanin ng mga mangingisda na lumayo ng dagat dahil mahal ang gasolina na gamit sa pagpalaot at dahil dito nasa lima hanggang sampung kilo lang ng isda ang kanilang nahuhuli.

Umalma rin ang grupo dahil hindi sapat at masyadong maliit ang P3,000 na fuel subsidy sa mga mangingisda bukod pa sa pili lang ang mga mangingisda na mabibigyan ng tulong.

Facebook Comments