Dumami na rin umano ang mga ospital ang nais makahingi ng bakuna ng Sinovac, matapos na pinagbigyan ng gobyerno ang kahilingan ng St. Luke’s Medical Center na pabakunahan ang kanilang mga health workers.
Ito ang ipinahayag ni Inter-Agency Task Force (IATF) Chief Implementer Secretary Carlito Galvez kasunod ng symbolic vaccination sa St. Lukes Medical Center sa QC.
Nagpasalamat naman si Dr. Art dela Pena ng St. Luke’s Medical Center, Quezon City, dahil hindi umano sila nahirapang humingi ng bakuna sa IATF noong ito ay dumating sa bansa.
5,000 dosage ng Sinovac vaccine ang hiningi ng St. Luke’s Medical Center para sa kanilang mga empleyado sa Quezon City at BGC Taguig.
Kinilala naman nina Galvez, Health Sec. Francisco Duque III at Sec. Karlo Nograles ang pagsisikap ng mga health workers ng ospital na isalba ang kanilang buhay para labanan ang COVID-19.
Mismong si Secretary Duque ang nagturok ng bakuna kay Dr. Deborah Ignacia Ona, Medical Director ng St. Luke’s Medical Center, Quezon City.
Matapos ang pagbabakuna kay Dra. Ona ay isinunod na rin ang halos tatlong libong mga empleyado ng nasabing pagamutan.