*Benito Soliven, Isabela- *Matagumpay na natapos ang tulay na proyekto ng 86 th Infantry Battalion makalipas ang mahigit isang buwan na pagpapatayo sa brgy Capuseran, Benito Soliven, Isabela.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Lt Col. Remegio Dulatre, Commanding Officer 86 th Infantry Battalion, 5th ID, Philippine Army, pinondohan ito ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa pangunguna ni Isabela Governor Faustino “Bojie” Dy III at pinasinayaan noong nakaraang linggo.
Ayon kay Lt. Col. Dulatre, bahagi ito ng kanilang isinasagawang Community Support Program kung saan naidulog ito ng mga residente ng nasabing barangay hinggil sa kanilang kinakaharap na problema.
Malaking tulong anya ang kanilang naipatayong tulay dahil ito ay mapapakinabangan ng tatlong Sitio ng Benito Soliven.
Nagpapasalamat naman si Dulatre sa mga tumulong at nakiisa upang matapos ang kanilang proyekto para sa mga mamamayan ng nasabing barangay.
Samantala, patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang Community Support Program sa bayan ng Echague at karatig bayan upang magbigay impormasyon sa mga residente hinggil sa kanilang mga programa at ng ating gobyerno.