Cauayan City, Isabela- Isinailalim sa tatlong (3) araw na Hard General Community Quarantine ang Santiago City mula March 29 hanggang March 31, 2021.
Ito ay alinsunod sa Executive Order No. 2021-03-06 na pinagtibay ni Mayor Joseph Tan.
Nakasaad dito ang mahigpit na panuntunan sa pagpapatupad ng minimum health protocol upang pigilan ang posibleng pagkalat ng COVID-19.
Bukod dito, mananatili ang operasyon ng mga pampublikong transportasyon gaya ng essential travel tulad ng pagpasok sa trabaho ng mga frontliners, emergency health services tulad ng pagpapakonsulta sa doktor at pagbili ng mga basic essentials.
Gayunman, kailangan namang magpatupad ng alternative working arrangement ang mga pribadong kumpanya gaya ng ipinatupad ng mga government agencies.
Pinapayagan rin ang operasyon ng mga essential at non-essential services subalit kailangang matiyak ang pagsunod sa basic health protocol.
Kanselado naman ang operasyon ng mga driving schools, sinehan, mga palaruan o arcade, library, museum, cultural centers, cockpit at limitadong serbisyo sa mga gyms, internet cafe, spa, salon, barber shop at iba pang personal care services.
Mahigpit rin na ipinatupad ang Liquor Ban habang umiiral ang nasabing kautusan.
Samantala, posibleng patawan ng kasong administratibo ang mga opisyal na lalabag sa panuntunan habang community service para sa mga residenteng lalabag dito.
Sa ngayon ay mayroong 121 ang aktibong kaso sa lungsod at 26 na ang namamatay sa sakit.
Umaasa naman ang alkalde na tutugon ang Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) sa hiling na isailalim ang Santiago City sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) laban sa COVID-19.