Hawaan ng COVID-19 sa Metro Manila, unti-unti nang bumabagal

Inihayag ngayon ng Department of Health (DOH) na bahagyang bumagal ang hawaan ng COVID-19 sa Metro Manila.

Sa online media forum, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na tama ang naging obserbasyon ng OCTA Research group na bahagyang bumababa ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) sa nakalipas na linggo.

Dagdag pa ni Vergeire, nananatili sa high risk ng COVID-19 ang buong bansa at nasa moderate risk naman sa ngayon ang Metro Manila.


Nabatid na nasa 70% ang bed utilization rate sa bansa habang may siyam na rehiyon ang nakakapagtala ng mataas na kaso at hawaan ng COVID-19 kada araw.

Aniya, patuloy rin ang pagtaas ng kaso sa ibang bahagi ng Luzon habang wala naman pagbabago sa Visayas at Mindanao.

Iginiit naman ni Vergeire na kahit na unti-unting bumababa ang hawaan sa NCR, kinakailangan pa rin magdoble ingat ng publiko upang hindi na kumalat ang virus.

Sa huli, hindi pa naman masabi ni Vergeire kung magbibigay sila ng rekomendasyon hinggil sa quarantine restrictions na ipinapatupad sa Metro Manila dahil kinakailangan pa rin nilang hintayin ang iba pang datos ngayong linggo.

Facebook Comments