*Cauayan City, Isabela*- Nilinaw ng pamunuan ng Department of Health Region 2 na walang kaso ng Novel Corona Virus ang naitala sa Cagayan Valley.
Kasabay ito ng paglalagay sa isolation room sa isang 29 anyos na dating OFW na umuwi sa Pilipinas mula sa bansang Hongkong.
Ayon kay Dr. Glenn Matthew Baggao, Chief of Hospital ng Cagayan Valley Medical Center, malaki ang kaibahan sakaling isailalim ang isang tao sa Isolation room at mapabilang sa ‘Person Under Investigation’ kumpara kung ang indibidwal ay positibo sa nakamamatay na sakit.
Paliwanag pa ni Dr. Baggao na nasa maayos ng kalagayaan ang nasabing pasyente matapos sumailalim sa ilang inisyal na pagsusuri dahil wala na itong ubo, sipon at iba pang sintomas.
Hinihintay na lamang ng pamunuan ng hospital ang magiging resulta ng laboratory test nito na manggagaling mula sa Research Institute for Tropical Medicine.
Binigyang-diin naman nito na huwag basta maniwala sa mga kumakalat na impormasyon sa social media dahil tanging si DOH Sec. Francisco Duque III lang ang otorisadong magbbigay ng pahayag para sa kumpirmasyon.
Tiniyak naman ng Department of Health Region 2 at Cagayan Valley Medical na magtutulong-tulong ang kanilang hanay upang masiguro na walang magiging kaso ng 2019 Corona Virus sa buong rehiyon.