Inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee na sampahan ng kasong graft at plunder sina Health Secretary Francisco Duque III, dating Presidential Adviser Michael Yang at dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao na dating head ng Procurement Service of the Department of Budget and Management.
Kasama ring pinakakasuhan ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporations na sina Linconn Ong, Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Huwang Tzu Yen, Krizle Grace Mago at ang hindi pa natatagpuan na si Lin Weixiong na sinasabing nasa Dubai.
Ang rekomendasyon ay laman ng inilabas na draft ng 113 pahinang partial committee report base sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon ukol sa umano’y katiwalian sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies.
Pinasasampahan din sina Lao, Liong at mga opisyal ng Pharmally ng paglabag sa Government Procurement Act.
Si Michael Yang, ang mga opisyal ng Pharmally at si Rose Nono Lin na asawa ni lin weixiong pinakakasuhan din ng perjury.
Pinakakasuhan naman ng falsification of public documents sina Jorge Mendoza at Mervin Tanquintic, na mga opisyal ng PS DBM na umamin na lumagda sa inspection report para sa mga PPE na hindi pa nila nakita at hindi pa na-deliver.
Inirekomenda rin ang pag-deport kina Michael Yang, Lin Weixiong at si Qing Jin Ke na marketing director ng Tigerphil na umano’y nag supply ng face masks sa Pharmally.
Iginiit din sa committee report na dapat papanagutin si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa betrayal of public trust na isang paglabag sa kanyang sinumpaang tungkulin sa ilalim ng kontitusyon.
Binigyang-diin sa report na dahil sa mga aksyon ng pangulo ay hindi maialis ang konklusyon na alam niya, pinayagan at kinunsinte niya ang kalokohan ng mga malalapit na associates at appointees kaugnay sa multi-bilyong pisong kontrata ng pamahalaan sa Pharmally.