Sunod-sunod na nakararanas ng matinding init ng panahon sa Dagupan City, kung saan naitatala ang heat index na pumapasok sa kategoryang “Extreme Caution” batay sa mga ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa PAGASA, kabilang ang Dagupan City sa mga lugar na nakapagtatala ng heat index na higit 40°C, na nasa ilalim ng kategoryang “Extreme Caution.” Maaari itong magdulot ng mga panganib sa kalusugan, lalo na sa mga taong matagal na nalalantad sa init.
Matatandaang iniulat ng IFM Dagupan na umabot sa 43°C ang heat index sa lungsod noong Nobyembre 3, 2026, dakong alas-2 ng hapon.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na uminom ng sapat na tubig, iwasan ang matagal na pagbibilad sa araw, at magsuot ng magagaan at preskong damit upang maiwasan ang mga kondisyong dulot ng matinding init, gaya ng heat cramps at heat exhaustion.
Pinaaalalahanan din ang lahat na higit na mag-ingat, lalo na ang mga bata, matatanda, at mga manggagawang madalas na nasa labas at direktang nalalantad sa sikat ng araw.
Patuloy na hinihikayat ang mga residente na subaybayan ang mga opisyal na abiso at update ng PAGASA kaugnay ng kondisyon ng panahon at heat index sa kanilang lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








