RESOLUSYONG NAGSUSUSPENDE SA MGA SPORTS TOURNAMENT NA INORGANISA O PINONDOHAN NG SK FEDERATION SA CALASIAO PARA 2027, SUPORTADO NG SANGGUNIANG BAYAN

Suportado rin umano ng Sangguniang bayan ng Calasiao ang inaprubahan ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation ng Calasiao na resolusyong nagtatakda ng mandatoryong suspensyon sa lahat ng kompetitibong palaro na inorganisa, pinondohan o sinuportahan ng kanilang pederasyon sa buong taong 2027.

Ayon kay SK Federation President Narayana Das Mesina, sa ilalim ng Resolution No. 1, Series of 2026, layunin ng hakbang na pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga kabataan sa gitna ng inaasahang epekto ng El Niño at matinding init ng panahon.

Pormal niyang ipinadala noong Nobyembre 11 ang nasabing resolusyon sa Sangguniang Bayan ng Calasiao upang hilingin ang kaukulang aksyong lehislatibo at matapos ang naging talakayan sa sesyon kahapon ay ipinahayag nila ang pagsuporta sa nasabing resolusyon.

Kabilang sa kanilang isinusulong na panukala ang pagpapalawak ng suspensyon upang masaklaw din ang mga kompetitibong palarong inorganisa ng mga barangay SK at mga pribadong grupo sa buong bayan.

Ayon kay Mesina, panahon rin ito upang maiparamdam ng Sangguniang Kabataan ang iba pang programang laan para sa mga kabataan sa taong 2027 tulad na lamang sa usaping pangkalusugan, edukasyon, kabuhayan, social inclusion, kapayapaan at seguridad, at iba pa.

Ayon sa pederasyon, layunin nitong palawakin ang mga programa ng SK upang hindi lamang sa palakasan nakatuon ang pagpapaunlad sa kakayahan at kapakanan ng kabataan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments