Labintatlong boga ang nakumpiska ng mga opisyal ng Barangay Bonuan Binloc sa Dagupan City bilang bahagi ng pinaigting na pagbabantay laban sa paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok at iba pang kagamitang maaaring magdulot ng panganib sa publiko.
Ayon kay Marissa Solayao, Information Desk ng Barangay Bonuan Binloc, sa panayam ng IFM Dagupan, bahagi ito ng kanilang patuloy na monitoring upang maiwasan ang paggamit ng mga ilegal na boga at mapanatili ang seguridad at kaayusan sa kanilang nasasakupan.
Dagdag pa ni Solayao, karamihan sa mga nasasangkot sa paggamit ng naturang mga boga ay mga kabataan.
Matapos ang pagkakakumpiska, pormal na isinagawa ng pamunuan ng barangay ang turnover ng mga nakumpiskang boga at muffler o tambutso sa PNP Station 6.
Binigyang-diin naman ni Solayao na magpapatuloy ang kanilang pagbabantay at monitoring, lalo na ngayong papalapit ang Kapaskuhan at Bagong Taon, upang maiwasan ang mga insidenteng may kaugnayan sa paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok.
Kaugnay nito, hinikayat ang publiko na makiisa sa pagpapatupad ng mga ordinansa at batas, at pairalin ang pagiging responsable upang mapanatili ang ligtas at mapayapang komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








