Magpapatupad ng heavy maintenance ang LRT Line 2 sa panahon ng Semana Santa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera na ang mga gagawin ay sa riles, linya, istasyon at power supply.
Kailangan din aniyang matiyak na maayos ang power supply ng LRT Line 2 o yung mahabang kable sa ibabaw ng tren na dinadaluyan ng kuryente para ito ay tumakbo.
Sinabi ni Cabrera, ang panahon ng Semana Santa ang tanging pagkakataon para makapagsagawa sila ng heavy maintenance sa LRT Line 2 para mapanatili ang maayos na operasyon nito sa buong taon.
Kaugnay nito, ipinaalala ni Cabrera sa publiko na sa April 5, Miyerkules Santo ay hanggang 7 pm lamang ang huling biyahe ng tren mula Recto gayundin sa Antipolo.
Pagsapit ng Huwebes Santo, April 6 hanggang April 9, Linggo ng Pagkabuhay ay sarado ang mga istasyon dahil tigil ang operasyon para sa gagawing heavy maintenance.
Babalik ang operasyon nito ala-5:00 ng madaling araw ng Lunes, April 10.