Pinagtatalaga ng isang kongresista ng help desk ang mga lokal na pamahalaan para sa senior citizens.
Ang hiling ay kasabay na rin ng pagtalakay ng Special Committee on Senior Citizens sa Anti-Elderly Abuse Bill.
Ayon kay Laguna Rep. Sol Aragones, habang wala pa ang batas laban sa mga pang-aabuso sa mga matatanda ay mainam na bumuo na ang mga barangay ng ‘help desk’ kung saan maaaring mag-sumbong o lumapit ang senior citizens na nakararanas ng pang-aabuso.
Pinangangambahan din ang pagtaas ng bilang ng pananakit sa mga matatanda sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon naman kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Program Management Bureau Director Wilma Naviamos, nagkaroon sila ng pilot test para sa online reporting habang gumagana na rin naman ang kanilang hotline.
Bumuo ng isang technical working group ang komite upang i-consolidate ang nasa pitong panukalang batas na layong protektahan ang mga nakatatanda mula sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso.