Cauayan City, Isabela- Namulat sa katotohanan kaya’t nagkaisa ang nasa 147 na mga miyembro ng Underground Mass Organizations (UGMOs) na talikuran na ang Communist Terrorist Group (CTG) sa bayan ng Baggao, Cagayan nitong ika-27 ng Oktubre 2021.
Nagbalik-loob sa hanay ng 77th Infantry Battalion na pinapamunuan ni Lt Col Joe Boy Kindipan, ang 34 na mga miyembro ng Pambansang Kaisahan ng mga Mambubukid (PKM), 18 na mga miyembro ng Kabataang Makabayan (KM), 18 na mga miyembro ng grupong Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA), habang nasa 57 na mga miyembro ng Militia ng Bayan (MB), habang 18 din ang tumalikod bilang Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL).
Mula sa 147 UGMOs, ang 12 ay galing sa barangay ng Asinga Via; 63 sa Bunagan; 34 sa Carupian; at 38 sa Hacienda Intal.
Ang mga nabanggit na barangay ay dating baseng masa ng mga CTG.
Dahil sa Community Support Program, napatunayan ng mga nagbalik-loob ang sinserong layunin ng pamahalaan na matulungan ang bawat mamamayan lalo na sa mga liblib na lugar upang matugunan ang mga suliranin sa kanilang komunidad.
Maliban dito, inilahad din ng grupong Sentrong Alyansa ng Mamamayan Para sa Bayan (SAMBAYANAN)-Baggao Chapter- grupo ng mga Former Rebels (FRS) ang kanilang mga karanasan mula nang magbalik-loob sa pamahalaan.
Nagpasalamat naman si BGen Steve Crespillo, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade sa tulong na inilaan ng grupong SAMBAYANAN upang maipakita ang tunay na anyo at kulay ng teroristang NPA.
Mensahe naman ni MGen Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division, patunay lamang ito na natutugunan ng pamahalaan ang mga suliranin na ginagamit ng teroristang kilusan upang i-organisa ang mga mamamayan laban sa gobyerno.
Lalo aniyang lumalakas ang pwersa ng pamahalaan dahil sa pagbabalik-loob ng mga kasapi ng UGMO.