Higit 10,000 OFWs, napauwi na sa bansa ayon sa DFA

Aabot na sa 10,369 returning overseas Filipinos ang na-repatriate ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong nagdaang linggo.

Sa datos ng DFA, nasa 6,681 Pilipino ang napauwi mula sa United Arab Emirates, Saudi Arabia, Qatar, Bahrain, at Kuwait.

Nasa 1,628 stranded Filipinos ang nakabalik na ng bansa mula Hong Kong, Maldives, Myanmar, South Korea, at Sri Lanka.


Mayroon ding 1,204 Filipino workers mula Italy, the Netherlands, Norway at Turkey.

Limang chartered flights naman sa ilalim ng Assistance-to-Nationals Fund ang inilunsad ng DFA para mapauwi ang 1,323 OFWs mula Japan, Pakistan, Qatar, at Saudi Arabia.

Sa kabuuan, aabot na sa 78,809 overseas Filipinos ang nakauwi sa bansa mula nang simulan ng Pamahalaan ang COVID-19 repatriation efforts nitong Pebrero.

Nasa 47.16% ng kabuuang bilang o 37,166 OFWs ay sea-based, at 52.84% o 41,643 ay land-based.

Karamihan sa mga repatriates ay mula sa France, the Netherlands, Qatar, Saudi Arabia, UAE, United States, at Vietnam.

Patuloy ang DFA na magkasa ng flights mula sa Middle East kung saan mayroong nasa higit 2 milyong overseas Filipinos.

Sa tulong ng mga embahada, konsulada at iba pang ahensya, tiniyak ng DFA na maiuuwi sa Pilipinas ang mga stranded Filipinos abroad sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments