Higit 100,000 sa Region 2, Nabakunahan ng COVID-19 Vaccine

Cauayan City, Isabela- Tinatayang aabot sa 101,384 ang libreng nabakunahan ng COVID-19 vaccine na kabilang sa priority A1 hanggang 3 sa buong Lambak ng Cagayan.

Mula sa bilang na ito, nasa 48,714 na ang mga nabakunahang Health care workers; 33,883 senior citizens at higit 18,000 indibidwal na may comorbidities.

Katumbas ito ng 16.56 porsiyento mula sa 612,232 na target sa A1 hanggang 3 na prayoridad na mabakunahan sa rehiyon.


Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH) Region 2, mayroon ng 143,895 doses ng bakuna ang naipamahagi sa Probinsya ng Isabela na kinabibilangan ng 60,810 Sinovac vaccine; 82,500 AstraZeneca at 585 na Pfizer.

Mayroon namang 1,500 doses ng bakuna ang hindi pa naibibigay sa mga coastal towns sa rehiyon.

Umaabot naman sa 69.73 porsiyento ng mga bakuna ang naiturok na sa mga kabilang sa priority group.

Samantala, mayroon namang 3,232 ang hindi nabakunahan na kasali sa priority group matapos matamaan ng COVID-19 habang ang iba ay nakasalamuha ng mga nagpositibo.

Nasa 385 naman ang bilang ng mga tumangging magpabakuna dahil sa kanilang paniniwala at takot na mabakunahan ng covid-19 vaccine.

Facebook Comments