Umabot na sa 106,200 overseas Filipino workers (OFW) ang naiuwi sa kani-kanilang probinsya sa gitna ng COVID-19 pandemic, iniulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Linggo.
Batay sa datos ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sinabi ng DOLE na 2,246 OFWs ang kasama sa huling batch na napauwi noong Hulyo 25 matapos magnegatibo sa virus.
Ipinahayag naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ibubuhos lahat ng pamahalaan upang matulungan ang mga OFW na maibalik ang nawala nilang trabaho dulot ng pandemya.
Bukod sa transportasyon, sa pakikipagtulungan ng OWWA sa Philippine recruitment agencies (PRAs), at licensed manning agencies (LMAs) ay nabigyan din ang OFWs ng pagkain, hygiene kits, at accommodation.
Naabot na rin ng DOLE ang 250,000 OFW na benepisyaryo ng P2.5 bilyon na emergency fund.
Sa pinakahuling ulat, 254,846 na ang naaprubahang benepisyaryo ng programang Abot-Kamay ang Pagtulong (AKAP), habang 214,619 OFW ang nakatanggap na ng emergency aid.