Higit 114,000 returning OFWs, nakauwi na sa kani-kanilang probinsiya

Inihayag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) mahigit 114,000 mga returning Overseas Filipino workers (OFWs) ang nakauwi na sa kanilang mga probinsya sa pamamagitan ng Hatid Tulong Program ng pamahalaan.

Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, 114, 291 OFWs na ang nakasama ang kanilang pamilya sa probinsya base sa pinakahuling tala noong Hulyo 30, 2020.

Mula sa nasabing bilang, pinakamaraming naihatid noong May 25 hanggang May 31 na may 25,002 na sinundan nitong June 22 hanggang 28 na may 10,231.


Mula naman Hulyo 6 hanggang Hulyo 12 na may 10,163; Hunyo 29 hanggang Hulyo 5 na may 9,113 at Hulyo 15 hanggang Hulyo 24 na may 8,922.

Katuwang ng OWWA ang ilang mga ahensyang tumulong na maihatid ang mga OFW sa pamamagitan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Transportation (DOTr), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Coast Guard (PCG) at mga Local Government Unit (LGU).

Sinabi pa ni Cacdac na nasa 230,000 OFWs ang nakinabang sa DOLE-AKAP program kung saan napagkalooban sila ng cash assistance.

Samantala, inamin ni Cacdac na mayroon nang siyam na kaso ng COVID-19 sa OWWA at ang mga ito ay patuloy na tinututukan at inaalalayan upang masiguro ang kanilang paggaling.

Facebook Comments