Cauayan City, Isabela- Nasa 200,675 indibidwal mula sa priority group sa lalawigan ng Isabela ang nabakunahan na sa 1st dose kontra COVID-19, batay sa pinakahuling datos ng Provincial Health Office noong September 3, 2021.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Assistant Provincial Health Officer Dr. Arlene Lazaro, kasalukuyan pa rin na hinihintay ang mga karagdagang datos mula sa mga Rural Health Unit (RHU) kung saan 12.88% ng total population ang nabakunahan palang sa unang dose.
Habang ang mga nakatanggap ng 2nd dose ay umabot na sa 144,591 o 9.28% ang fully vaccinated mula sa projected population.
Ayon pa kay Dr. Lazaro, sadyang napakababa ng bilang ng mga taong fully vaccinated sa kabila ng patuloy ang vaccination rollout lalo na sa mga dumarating na bakuna kung saan agad naman itong naipapamahagi sa mga local government unit upang mapabilis ang kanilang pagbabakuna.
Target man na mabakunahan na ang lahat laban sa COVID-19 ay problema pa rin ang limitadong suplay ng mga bakuna na dumarating mula sa national government.