Cauayan City, Isabela- Umaabot na sa kabuuang 219 pamilya sa lambak ng Cagayan ang apektado ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng pag-uulan dahil sa Bagyong Rolly.
Ayon kay Information Officer Vanessa Diane Nolasco ng Disaster Division ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) field office 2, katumbas ito ng 794 na indibidwal mula sa 14 na bayan sa rehiyon.
Kinabibilangan ito ng mga bayan ng Alfonso Castañeda, Aritao, Bambang, Dupax Del Norte, Kayapa, Quezon at Solano sa Nueva Vizcaya; Aglipay Cabarroguis, Diffun, Maddela, Nagtipunan at Saguday sa Quirino; Coastal town na Dinapigue sa Isabela.
Bukod dito, kasalukuyan pa rin ang pagrerepake ng mga family food packs ng ahensya na nasa 25,202 ang inisyal na bilang na kanilang naisasaayos.
Samantala, nananatili pa rin sa ilang evacuation centers ang 23 pamilya o 87 indibidwal habang hindi pa humuhupa ang pinsala dala ng Bagyong Rolly.
Pansamantalang nakaimbak ang nasa 2,000 family food packs sa kampo ng sundalo na bahagi ng napagkasunduan ng DSWD at 5ID Philippine Army.