Panibagong 22,319 recoveries ang naitala ng Department of Health (DOH) ngayong araw, dahilan kaya sumampa na sa 157,403 ang bilang ng mga gumaling sa sakit.
Nakapagtala rin ng 4,284 panibagong kaso ng sakit sa Pilipinas, kaya umakyat na ang kabuuang bilang ng kaso sa 217,396.
Sa nasabing bilang, 56,473 ang aktibong kaso, kung saan 91.3% dito ay mild, 6.1% ang asymptomatic, 1.1% ang severe at 1.6% ang nasa kritikal na kondisyon.
Pinakamarami sa mga ito ay naitala sa National Capital Region (NCR) na nasa 2,207; sinundan ng Laguna na may 327; Cavite, 191; Batangas, 161 at Rizal, 147.
Kasabay nito, umakyat na sa 3,520 ang nasawi sa sakit matapos madagdagan ng 102 ngayong araw.
Samantala, dalawang Pinoy ang nadagdag sa bilang ng mga Pilipino sa abroad na nagpositibo sa COVID-19.
Dahil dito, sumampa na sa 10,069 ang mga Pilipinong nagpositibo sa sakit sa abroad.
Nadagdagan naman ng isa ang gumaling sa sakit dahilan kaya sumampa na sa 6,124 ang recoveries at 3,190 ang nagpapagaling.
Wala namang nadagdag sa bilang ng mga Pinoy sa abroad na nasawi dahil sa COVID-19, kaya nananatili pa rin ito sa 755.