Higit 2,800 paaralan sa Western Visayas, naapektuhan ng Bagyong Tino

Mahigit sa 2,800 paaralan sa Western Visayas ang nawalan ng klase at napilitang mag-shift sa alternatibong paraan ng pagtuturo dahil sa pananalasa ng Bagyong Tino.

Ayon sa Department of Education (DepEd) Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), ang Region 6 ay may 2,828 paaralan na naapektuhan—isa sa pinakamataas sa bansa.

Ang mga paaralang ito ay naapektuhan ng malawakang pagbaha, power outage, at pinsala sa imprastraktura dulot ng bagyo.

Maraming paaralan sa Iloilo, Capiz, at Antique ang ginamit ding evacuation centers para sa mga pamilyang na-displace ng pagbaha at landslides.

Sa Western Visayas, nagsimula nang magsagawa ang mga lokal na dibisyon ng DepEd ng pagsusuri sa lawak ng pinsala sa mga bubong, pader, at mga kagamitan sa paaralan sa mga lugar na pinakaapektado ng Bagyong Tino, partikular na sa mga coastal at upland na bayan.

Samantala, tinataya ng DepEd na aabot sa P13.7 milyon ang kakailanganin para sa agarang paglilinis at pagkumpuni sa mga naapektuhang paaralan.

Sa halagang ito, P2.11 milyon ang nakalaan para sa cleanup at clearing efforts, habang P11.6 milyon naman ang ilalaan sa minor repairs upang maibalik sa normal na kondisyon ang mga silid-aralan.

Facebook Comments