HIGIT 300 RESIDENTE NG SAN NICOLAS, NABIGYAN NG TULONG MEDIKAL AT PANG-LIBING

Nakapagbigay ng kabuuang ₱704,000 tulong pinansyal ang lokal na pamahalaan ng San Nicolas, Pangasinan para sa mga nangangailangang residente bilang bahagi ng programang pang-ayuda ng bayan.

Sa ulat ng LGU, 326 residente ang nakatanggap ng tulong medikal na may kabuuang halagang ₱590,000, habang 38 naman ang nabigyan ng burial assistance na nagkakahalaga ng ₱114,000.

Layunin ng programa na maibsan ang gastusin ng mga mamamayan sa pagpapagamot at sa pagharap sa biglaang pangangailangang pinansyal dulot ng pagkawala ng mahal sa buhay.

Kasabay nito, pinaalalahanan ng alkalde ang mga residente na ugaliing inumin sa tamang oras ang kanilang maintenance medicine upang mapanatili ang bisa nito.

Ipinaalala rin ng lokal na pamahalaan na may parehong epekto ang mga generic na gamot tulad ng mga branded na gamot, alinsunod sa Generics Act.

Facebook Comments