Umabot sa 5.2 million o 20.9% ng pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan sa gitna ng ipinapatupad na community quarantine bunsod ng COVID-19 pandemic.
Sa depinisyon, ang involuntary hunger ay nararanasang gutom dahil sa kawalan ng makakain.
Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS), ang 20.9% na Pilipinong nakaranas ng gutom ay mataas mula sa 16.7% na naitala noong Mayo.
Mas mataas din ito sa 8.8% noong Disyembre 2019.
Mula sa 20.9% na nakaranas ng involuntary hunger, 15.8% dito o 3.9 million na pamilya ang nakaranas ng moderate hunger o ilang beses lamang sa loob ng nagdaang tatlong buwan.
Nasa 5.1% o 1.3 million na pamilya ang dumanas ng severe hunger o madalas nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan.
Ang survey ng SWS ay isinagawa mula July 3 hanggang 6 sa pamamagitan ng mobile phone at computer-assisted telephone interview sa sa 1,555 adult Filipinos sa buong bansa.