Nasa higit 500 indibidwal pa rin ang nananatiling stranded sa ilang mga pantalan sa Visayas at Mindanao kahit pa nakalabas na ng bansa ang Bagyong Odette.
Sa datos ng Philippine Coast Guard (PCG), nasa 580 na pasahero, drivers at cargo helpers ang stranded sa mga pantalan na sakop ng North Eastern Mindanao, Eastern Visayas, at Central Visayas.
Kabilang rin sa mga stranded ay ang 301 rolling cargoes at 3 iba pang vessels.
Hindi pa naman pinayagang makabiyahe at nananatiling nakisilong ang nasa 57 vessels at 37 motorbancas sa ibang pantalan na hindi naapektuhan ng bagyo.
Ito’y bilang bahagi ng precautionary measure na ipinapatupad ng PCG.
Nananatili namang nakamonitor ang Coast Guard sa lagay ng panahon maging sa ibang pantalan kung saan bumibiyahe ang ilan nating kababayan para umuwi ng kani-kanilang probinsiya ngayong panahon ng kapaskuhan.