Higit 500 OFWs sa Singapore, tinamaan ng COVID-19

Umaabot na sa 578 ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Singapore na tinamaan ng COVID-19.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Philippine Ambassador to Singapore, Joseph Yap na sa nasabing bilang ay 543 ang fully recovered na habang nasa 35 na lamang ang nananatili ngayon sa ospital at nagpapagaling.

Ayon pa kay Ambassador Yap, magandang balita dahil wala pang naitatalang nasawing Pinoy sa Singapore dahil tumatalima ang mga OFWs sa health and safety protocols.


Sinabi pa nito na tuloy-tuloy ang kanilang komunikasyon sa mga OFWs sa pamamagitan ng social media accounts at hotline upang maipabatid ang kanilang mga concerns.

Sa ngayon, tumataas ang kaso ng COVID-19 sa naturang bansa kung saan nagpatupad ang Singapore government ng intervention upang makontrol o ma-contain ang virus.

Ani Yap, balik online learning muna sa ngayon ang mga mag-aaral, “work from home” muna ang mga empleyado at wala muna ulit “dine in” sa mga restaurant.

Facebook Comments