Higit 600 Private Establishments sa Region 2, Hindi umano Sumusunod sa Guidelines ng DOLE

Cauayan City, Isabela- Umabot sa 1,024 business establishments ang binantayan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 hinggil sa ipinatutupad na guidelines at polisiya laban sa COVID-19.

Ayon kay Senior Labor and Employment Officer Onofre James Mendoza, patuloy ang pag-iikot ng ahensya sa mga pribadong kumpanya kung saan mula sa nasabing bilang ay 346 ang ‘compliant’ habang 678 ang hindi umano sumusunod sa ilang guidelines at polisiya na ipinatutupad ng DOLE sa kanilang unang pag-iikot sa Lambak ng Cagayan.

Sa kabila nito ay nananatili aniya na mataas ang correction rate ng mga pribadong establisyimento bilang bahagi ng developmental approach ng ahensya.


Tumutulong naman din aniya ang ahensya sa ilang pangangailangan ng mga kumpanya gaya nalang ng pagbibigay ng form kung sila man ay magrereport sa ahensya.

Iginiit ni Mendoza na madalas na hindi nagagawa ng isang pribadong kumpanya ang pagtatalaga ng safety officers na siyang mangangasiwa sana sa pagpapatupad ng alituntunin kontra COVID-19 at maiwasan ang transmission.

Ayon naman kay Atty. Jason Elizaga, OIC-Supervising Labor and Employment Officer, paraan ito ng ahensya upang maitaas ang ‘compliance rate’ ng mga private establishments katuwang ang media sector.

Umaasa naman ang DOLE na mas madadagdagan pa ang mga establisyimentong susunod sa pagpapatupad ng kautusan kontra COVID-19.

Facebook Comments