Aabot sa higit 68,000 tao ang lumikas dahil sa malalakas na ulang dala ng Bagyong Bising sa Bicol Region at Eastern Visayas.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Media Affairs Unit Easha Mariano, patuloy nilang kinukumpirma ang pagkamatay ng isang 79-anyos na lalaki na nabagsakan ng puno ng niyog sa Southern Leyte.
Bineberipika rin nila ang ulat na mayroong isang 40-anyos na mangingisda ang nawawala matapos maglayag sa gitna ng masamang panahon.
Aabot naman sa 18,467 families o 68,490 individuals ang inilikas sa Bicol at Eastern Visayas.
Nasa 22 barangay ang binaha sa Eastern Visayas, matatagpuan sa mga bayan ng Can-avid at Jipadpad sa Eastern Samar.
Nakaranas din ng power interruption ang Cebu, Leyte, Southern Leyte at Eastern Samar.
Nasa 2,313 na pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa Bicol, Central Visayas at Eastern Visayas.