Cauayan City, Isabela- Umabot na sa higit 484 na pamilya mula sa 855 indibidwal ang apektado ng pagbaha dulot ng bagyong Maring sa lalawigan ng Cagayan.
Kabilang ang mga bayan ng Ballesteros, Lasam, Aparri, Gattaran, Gonzaga, Sta. Teresita, Claveria, Pamplona, Lal-lo, Allacapan, Baggao at Peñablanca na apektado ng pagbaha.
Batay sa datos ng PLGU Task Force Lingkod Cagayan, nananatili sa mga evacuation centers ang 87 na pamilya o 308 na indibidwal matapos maapektuhan ng pagbaha ang kanilang mga kabahayan.
Samantala, sarado na sa mga motorist ang bahagi ng Peña Weste-Capissayan Sur-Capissayan Norte sa bayan ng Gattaran dahil naitalang pagguho ng lupa at pagbaha bunsod ng pag-uulan habang hindi na rin madaanan ng light vehicle ang Alucao to buyun road maging ang ilang kalsada sa bayan ng Pamplona ay sarado na rin dahil sa nagbagsakang mga punongkahoy.
Wala na ring suplay ng kuryente sa mga bayan ng Sta.Praxedes, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona maging sa Calayan.
Patuloy naman ang pagbabantay ng mga awtoridad sa mga lugar na bahain para sa gagawing agarang paglikas.