Higit na partisipasyon ng barangay sa pagtugon sa Tuberculosis, panawagan ng isang kongresista

Nananawagan si AnaKalusugan Party-list Representative Ray Reyes, sa mga barangay na pag-ibayuhin ang partisipasyon sa pagtugon sa sakit na Tuberculosis o TB.

Apela ito ni Reyes sa bawat barangay makaraang ihayag ng Department of Health (DOH) na ang Tuberculosis ay nananatiling pang-sampu sa sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas.

Ngunit matinding hamon na nakikita ni Reyes, ay walang tumututok sa mahabang treatment sa mga pasyente ng TB kahit available naman ang lunas.


Bunsod nito ay iginiit ni Reyes, na mahalaga ang magiging papel ng barangay health system para matutukan ang pagpapagamot sa mga pasyenteng may TB na tumatagal ng anim hanggang sampung buwan.

Dagdag pa ni Reyes, makakatulong din ang mga barangay health workers para maituwid ang mga maling impormasyon o paniniwala ukol sa TB at mahikayat ang mga dinadapuan ng sakit na magpatingin at magpagmot sa mga community health center.

Facebook Comments