Nai-turn over na ng Bureau of Customs – Port of Clark ang nasa P12.5 milyon na halaga ng iligal na droga at mga marijuana-based product sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nabatid na nasa halos 12 imported shipments na pawang mga naglalaman ng iligal na droga ang dumating sa Port of Clark mula noong March hanggang November 2022.
Ang mga ito ay agad na kinumpiska ng customs kung saan una silang nadiskubre ng dumaan sa mandatory X-ray inspection.
Matapos nito ay isinailalim ang kargamento sa profiling incoming shipments, intensified intelligence capabilities kaya’t agad na nakipag-ugnayan ang Port of Clark sa PDEA at sa iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Ang mga naturang iligal ma droga na inilipat sa pangangalaga ng PDEA ay kinabibilangan ng 4,102 piraso ng ecstasy na nasa P6.9 milyon ang halaga ay nagmula sa Paris, France.
Nakumpiska rin ang nasa P4.3-M halaga ng kush na nanggaling sa California, USA habang P672,000 na high grade marijuana ang mula Quebec, Canada at P390,000.00 na halaga ng Kush ang mula Alberta, Canada na idineklara itong “candy toys”.
Nakumpiska rin ang nasa 346 na marijuana capsules, limang gramo ng Ketamine, 37 pouches ng marijuana gummies, 310 gramo ng Kush at ibang marijuana substances.
Nagpapasalamat naman si BOC – Port of Clark Collector John Simon sa maagap na kilos ng kanilang mga tauhan kung kaya’t naharang ang mga nabanggit na iligal na droga kung saan patuloy naman inaalam kung sino-sino ang mga nasa likod mg pagpapadala nito sa ating bansa.