Singil sa kuryente ng MERALCO, posibleng tumaas sa susunod na buwan hanggang sa Enero ng susunod na taon

Nagbabala ang Manila Electric Company o MERALCO sa posibleng taas singil sa kuryente sa kanilang mga sineserbisyuhan epektibo sa susunod na buwan

Ito’y matapos maglabas ng Temporary Restraining Order o TRO ang Court of Appeals na nagsususpinde sa Power Supply Agreement o PSA sa pagitan ng MERALCO at South Premier Power Corporation na subsidiary ng San Miguel Corporation.

Ayon kay MERALCO Senior Vice President for Communications at Spokesperson Joe Zaldarriaga, kasalukuyan pa ang ginagawa nilang review sa inilabas na TRO ng Appellate Court sa pakikipag-ugnayan sa kanilang legal team.


Gayunman, umaasa si Zaldarriaga na agad na gagawa ng aksyon ang Department of Energy o DOE para hirit nilang exemption sa Competitive Selection Process sa ilang power generators sa ilalim ng Emergency Power Supply Agreement o EPSA.

Paliwanag pa ni Zaldarriaga na ang kanilang prayoridad sa ngayon ay ang tiyaking mayroong tuloy-tuloy, matatag, maaasahan at sapat na suplay ng kuryente para sa kanilang mga consumer.

Dahil sa inaalam pa kung magkano ang itataas na kuryente na mararamdaman sa Enero ng susunod na taon, sinabi ng MERALCO na sisikapin nilang manatiling abot kaya ang kanilang ipapataw na rates sa kanilang mga consumer.



Facebook Comments