HIGIT P2.5-M NA HALAGA NG MARIJUANA, NAHARANG SA KALINGA

Cauayan City, Isabela- Nasasamsam ang tinatayang nasa P2,640,000 na halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana sa isinagawang checkpoint ng Kalinga Police nitong Huwebes, ika-29 ng Setyembre taong kasalukuyan.

Batay sa ulat pulisya, kinilala ang naarestong suspek na si Ersilias Maccay Baccoy, 36-taong gulang, magsasaka, residente ng Brgy. Butbut Proper, Tinglayan, Kalinga at nakalista bilang isang drug personality.

Ayon sa Kalinga Police Provincial Office (KPPO), nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Lubuagan Municipal Police Station (MPS), 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Company (PMFC), at Provincial Intelligence Unit (PIU) na isang pribadong sasakyan ang nakatakdang bumiyahe na may kargang mga produktong marijuana mula sa Tinglayan papunta sa Tabuk City, Kalinga.

Agad namang inilatag ang checkpoint ng mga operatiba ng pulisya sa Sitio Dinakan, Brgy. Dangoy, Lubuagan, Kalinga na nagresulta ng pagkakaaresto ng suspek at pagkakakumpiska ng 22 brick ng pinatuyong dahon ng marijuana na tumitimbang ng nasa 22,000 gramo.

Nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang naarestong suspek para sa kaukulang disposisyon.

Nahaharap naman sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.

Facebook Comments