MISIS, PATAY SA PANANAKSAK NG SARILING MISTER

40
Patay ang isang ginang matapos pagsasaksakin ng kanyang asawa sa Brgy. Centro-1, Sanchez Mira, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Pamela, 28-taong gulang, residente ng Brgy. Centro 2, Sanchez Mira, Cagayan habang ang suspek na mister nito ay si Joshua, 28-taong gulang, seaman, at residente naman ng Brgy. D’ Leaño, Claveria, Cagayan.

Ayon sa PNP Sanchez Mira, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen ukol sa nangyaring pananaksak ng isang lalaki sa kanyang asawa na agad naman nilang nirespondehan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, nasa loob ng kanilang bahay ang biktima kasama ang dalawang anak nang biglang dumating ang suspek at kumatok ng malakas.

Binuksan ng biktima ang pinto subalit bigla na lamang itong pinagsasaksak ng suspek sa iba’t- ibang bahagi ng kanyang katawan gamit ang kutsilyo.

Agad na tumakas ang suspek gamit ang motorsiklo.



Lumabas naman ang limang taon gulang na anak ng biktima para humingi ng tulong na sakto namang nakita at narinig ng kapatid ng biktima galing sa eskwelahan.

Nadatnan na lamang ng kapatid ng biktima na naliligo ng dugo ang katawan ng biktima na nakahandusay sa kanyang kwarto.

Isinugod sa ospital ang biktima subalit binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Samantala, nadakip din ang suspek sa isinagawang manhunt operation ng mga otoridad at lumalabas pa sa kanilang imbestigasyon na “selos” ang nag-udyok sa suspek na gawin ang naturang krimen.

Facebook Comments